KALAWANG

This is a work of fiction.


Sa edad na tatlumpu’t siyam, madalas ng sumagi sa isip ni Doctor Peter Cruz ang pag-aasawa. Alam niyang hindi na siya bumabata kaya hindi niya pinababayaan ang kanyang kalusugan, palagi siyang nagigising ng maaga upang mag-ehersisyo at tumakbo sa isang park malapit sa kanyang inuuwiang condo. Nakaugalian na rin niyang magsuot pares ng earphones na may saliw ng mga paborito niyang musika. Sa mga sandaling iyon ay pinakikinggan niya ang rap song ni Eminem na pinamagatang I’m Not Afraid.

Madalas din siyang napapadaan sa isang Cathedral na nasa kanang bahagi ng park na lalo lamang nagpapasabik sa kanya na lumagay na sa buhay na tahimik.

Saglit siyang napahinto sa tabi ng bahay sambahan sapagkat kapansin-pansin ang magkasintahan na naka-upo sa ilalim ng puno ng Acacia na nasa loob ng bakuran. Napabuntung-hininga na lamang ang manggagamot at naisip na mabuti pa ang mga kabataang ito na natagpuan na ang isa’t isa samantalang siya ay nag-iisa pa rin na naghihintay kay Tadhana kung kailan ipagkakaloob sa kanya ang pinapangarap na kabiyak.

Sa kabilang dako naman ng garahe ng simbahan ay mapapansin ang isang payat na bakla, gayun din ang lalaking nakatayo di kalayuan sa labas ng bakod na nakasuot naman ng itim na jacket at pulang baseball cap.

Sadyang maaga pa naman kaya marahil ay nagdadalawang-isip pa ang mga ito sa pagpasok sa loob ng gusali kahit na bukas naman ang pintuan at makikitang may isang batang babae na nakaabang sa mga parokyano ng simbahan upang mabentahan niya ang mga ito ng tindang sampaguita.

Habang pinagmamasdan ni Doc ang isang pamilya na pumapasok sa loob ng cathedral ay bigla siyang natigilan ng walang ano-ano’y may biglang pumaradang isang six by six na truck ng mga sundalo. Kumunot ang kanyang noo at naging alerto sa paligid. Isa lang ang nasa isip niya, tiyak na may naka-ambang panganib sa kanilang lugar kung kaya’t biglaan ang pagdating ng mga unipormadong kalalakihan.u

Nakasuot ng gas mask ang mga sundalo at mabibilis ang kilos ng mga ito. Isa-isa nilang nilapitan ang mga tao sa paligid at tila pilit na pinapapasok sa mga nakapalibot na kabahayan at mga establishment. Dahil na rin sa pag-aalala at likas na matulungin ay hindi na nag-alinlangan pa si Doc Peter at agad na nilapitan ang hinihinala niyang team leader ng grupo malapit sa simbahan at nagpakilala bilang isang doktor.

“Good morning Chief, Dr. Peter Cruz nga pala ng DMMC Hospital. Ano po ba ang problema at baka may maitulong po ako?” pakilala at tanong ng doktor 

“Good morning din Doc. Emergency Drill lang po at kinakailangang papasukin ang lahat sa loob ng mga tahanan at establishment para sa kaligtasan sakaling may panganib na dumating”, sagot naman ng sundalo, “mas makabubuti po’ng pumasok na rin muna kayo para na rin sa inyong kaligtasan,” paanyaya ng team leader habang inaalalayan ang doktor papasok sa naturang gusali.

Ayon sa kanyang kausap ay may “EMERGENCY DRILL” lang naman, subalit bakit kailangang nakasuot ang mga sundalo ng protective gears gaya ng gas mask at chemical-resistant suits kung isa lamang pala itong drill, bakit kinakailangang puwersahin ang mga taong pumasok sa kanikanilang mga bahay at maging ang mga nagdaraan ay pinahihinto at pinapatuloy sa loob ng mga gusali? Bakit kailangang magdala ng matataas na uri ng kalibre ng baril ang mga ito? Tila may mali yata sa paliwanag ng opisyal.

Bago pa man maliwanagan ang doctor sa kanyang mga katanungan ay agad namang naabala ang kasama niyang sundalo sa paglapit sa isang nagpupumiglas na bakla na pinapapasok ng isa sa kanyang mga kasamahan.

“Ano problema Sarge?” tanong ng team leader sa isang sundalong nakikipagtalo sa isang bading.

“Eto’ng isang ‘to sir ayaw pumasok sa simbahan eh, hinihintay pa raw niya yung gwapong binatilyong ka-chat niya sa Facebook.” sagot naman ng sundalong tinawag na Sarge.

Dahil tila ayaw makinig ng binabaeng kausap ng sarhento ay nilapitan na ng chief ang pasaway at pinakiusapang sumunod na lamang para sa ikabubuti ng lahat.

“Sir mawalang-galang na po, mas makabubuting pumasok na po muna kayo ng simbahan para na rin sa inyong kaligtasan. Huwag po kayong mag-alala dahil ito po naman ay pansamantala lamang,” magalang na paanyaya ng team leader ng mga sundalo.

“SIR? SIR? SIR TALAGA? HINDI MO BA NAKIKITA ANG SUOT KONG DAMIT? SHUNGAERS KA BA O BULAG KAYA HINDI MO NAPAPANSIN ANG BEAUTYNESS KO? KALOKA!” Pasigaw at naiiritang tugon ng binabae.

Bigla namang nagpanting ang tainga ng hepe sa tinuran ng kaharap at hindi na nakapagpigil, kaya naman kasama ang sarhento ay sabay nilang binitbit ang cross-dresser papaasok sa loob ng simbahan, at nang matiyak na nilang wala ng tao pang makikita na malapit sa simbahan ay isinara na nila ang tarangkahan nito mula sa labas upang makasiguro na walang sinuman ang makaka-alis sa loob.

***
Samantala!

Sa loob ng Cathedral ay mapapansin ang magkasintahang teenager na kanina ay nasa ilalim ng puno ng Acacia at ngayon ay magkahawak-kamay pant nananalangin habang ‘yong lalaking nakatayo sa labas ng bakod na naka-itim na jacket ay palinga-linga na tila may hinahanap. Yung mag-asawa na kararating lamang kasama ang walong taong gulang nilang anak na lalaki ay abala naman sa pagpapainom ng gamot sa bata. Syempre, rinig na rinig pa rin ang ingay ng binabae sa loob ng simbahan na nagwawala at ayaw tumigil sa pagkuda.

Isang matandang babae na tila mahigit sitenta anyos na ang edad at may hawak na rosaryo ang kumakausap sa batang babae na nagtitinda ng sampaguita na marahil ay apo ng matanda. Makikita rin ang isang sakristan na nakatayo sa harap ng altar at isang babaeng nakaluhod at nakayuko sa isa sa mga upuan ng simbahan na tila taimtim na nananalangin.

Lalapitan na sana ng doktor ang sakristan upang tanungin kung nasaan ang kura paroko ng maya-maya pa ay lumabas na ang isang lalaki na nakasuot ng sotana at sa tantiya ng doktor ay nasa limangpung taong gulang pa lamang.

“Magandang umaga sa inyong lahat. Ako nga pala si Padre Isagani Tolentino ng Archdiocese ng bayang ito,” bumaling ang kanyang tingin sa binabae na ayaw pa rin tumigil sa paghihimutok at pabulong-bulong kaya naman itinaas niya ang boses ng bahagya, “ikinalulugod ko kayong makita at makasama sa panahong ito at bagamat ikinalilito nating lahat ang kasalukuyang sitwasyon ay nakatitiyak naman ako sa ating kaligtasan sapagkat tayo ay naririto sa bahay ng Panginoon.”

“Ano po bang nangyayari father?” naguguluhang tanong ng babae na kanina lamang ay nakaluhod at taimtim na nagdarasal.

Agad namang nagsipaggaya ang iba naroroon kaya nabalot ng katanungan ang buong paligid.

“Father, bakit maraming mga sundalo sa labas? Hindi ba tayo p’wedeng umuwi na lang?” tanong naman ng ama na mananampalataya habang karga ang walong taong gulang na anak.

“Oo nga po padre, bakit po biglaan yata ang mga pangyayari at wala man lamang abiso mula sa ating butihing mayor sa munisipyo?” susug naman ng matandang babae 

“Hindi ko rin po alam Aling Miling, hayaan po niyo at ipakukuha ko kay Crispin ang aking lumang transistor sa aking silid upang makasagap tayo ng balita mula sa ating mga kaibigan sa himpapawid,”

Agad namang lumapit ang padre sa kanyang sakristan at inutusan ito na kunin ang kanyang lumang radyo upang makapakinig ng balita. Matapos sumunod ng sakristan ay nilapitan naman ng pari ang matandang babae at tila may ipinaki-usap sa matanda. Mapapansin ang pagtango-tango ng babaeng may apo tanda ng pagsangayon nito sa mga habilin ng kura at makalipas ang ilang sandali ay makikitang tangan-tangan na ng matanda ang kanyang apo papasok sa isang pasilyo na nasa kanang bahagi ng simbahan.

Hindi nga nagtagal at dumating na ang sakristang nagngangalang Crispin dala-dala ang transistor radio ng pari. Dagliang isinaksak ng binata sa isang outlet ng kuryente ang tangan na aparato upang makapakinig ng mga bagong balita.

(tunog static)

“Kayo po ay nakikinig sa programang ★Kape at Gatas★ dito pa rin sa istasyon ng masa, DZAL 712 Balita Panlipunan. Ang himpilan ng Malayang Mamamahayag.”

“DZAL is an AKAP Broadcasting Service Station and a proud member of the KBP. Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas .”

“At ngayon, ang inyong mga komentarista. Ang poging-pogi ngunit madalas na madapa na si Kap Tin (palakpakan) at ang kanyang HeartTrob na kasosyo, ang nag-iisa at walang katulad, Ka Jo Baraka.” (boo!!! boo!!!)

Kap Tin : Magandang umaga sayo Ka Jo at sa lahat ng ating mga tagapakinig sa buong sanlibutan. Kape, kape na mga kaakap

Ka Jo : Magandang umaga rin Kap at sa mga listeners natin sa iba’t ibang panig ng mundo, mag-gatas na tayo upang mas tumibay ang ating mga buto.

Kap Tin : Kamusta naman ang kaganapan kagabi Ká?

Ka Jo: Ayun Kap, medyo palyado yung pistahan sa may Bulacan dahil sa kaguluhang nangyari kila kagawad Arwin.

Kap Tin: Oo nga Ka, nabalitaan ko din kay Mayora Samantha yung nangyari.

Ka Jo: Tama Kap nanduon nga rin si Mayora at nagkataon naman na biglang dumating ang kanyang mortal na katunggali na si Kapitana Chelsea 

Kap Tin: ‘Yon nga ang hindi ko maintindihan dito kay kasosyong Arwin eh! Kung bakit naman inimbitahan niya parehas ang dalawa?

Ka Jo: Sa palagay ko Kap hindi talaga kumbidado si Kapitana.

Kap Tin: Ganoon ba Ka?

Ehem!!! Esmusky po!

Ahhh!!! Bago po tayo magpatuloy mga kaakap sa ating kwentuhan, may kapapasok-pasok lamang na balita. Nagkaroon daw ng total lockdown, uulitin ko po mga kaakap may roon daw pong nagaganap na total lockdown dito sa may ah Macapagal Ave. malapit dito sa exit papuntang Cavite, at mukang nadamay raw ang mga karatig na lugar gaya ng Baclaran, Pasay at Parañaque mga kaakap.

Ang balita po ay ipinarating lamang sa atin ng isa nating KaAKAP na taga Mabini gamit ang Facebook live kung kaya naman hindi natin makuha ang buong detalye ng kaganapan diyan sa may Roxas Boulevard. Hayaan ninyo at susubukan po naming makakuha ng live events sa mismong lokasyon, huwag po kayong mawawala at magbabalik pa rin po ang inyong programa para sa mga susunod na kaganapan.

Ka Jo: Diyan lamang po kayo mga kaakap, will just pose for a break and will be right back.

Matiim namang nag-aabang ng balita ang mga tao sa simbahan dahil nais nilang matiyak kung talaga bang isa lamang “DRILL” ang nangyayari o may cover-up ang militar sa lahat ng ito.

Habang naghihintay sa balita ay makikita naman si Aling Miling na papalabas ng pasilyo at papalapit kay Padre Isagani. Nang makalapit na sa pari ay tila may ibinulong ito sa kura na mukhang sinangayunan naman ng huli.

“Mga kapatid sa pananampalataya, nakapaghanda na raw po si Aling Miling ng makakab, kaya naman mas mabuti pa siguro ay magsikain po muna tayo habang hinihintay ang balita hingil sa mga kaganapan sa labas.” wika ng Kura.

Dahil na rin siguro sa pagkabigla sa mga pangyayari ay nakaramdam na rin ng gutom ang lahat kaya naman nagsisunod na lamang ang mga ito sa pari papasok ng pasilyo na patungo sa may kusina.

Laking gulat ng lahat ng makita ang iba’t ibang uri ng pagkain sa isang mahabang lamesa na tila yata may piging na nangyayari. Makikita mo rito ang mga kakanin gaya ng puto, kutsinta, sapin-sapin, muron, bibingka at lidgid. May roon ding sinangag o java rice at mga ulam gaya ng afritadang manok, crispry pata, kalderetang kambing, humba, morcon, embutido, chicken cordon bleu, Blue Marlin, kinilaw na tanigue, inihaw na hito, chop suey, laing, pinakbet at marani pang iba. May mga prutas din gaya ng saging na lakatan, marang, durian, suha at mangosteen.

Napansin naman ng pari ang pagtataka ng mga bagong kasama sapagkat sa maiksing oras nga lang ay naihanda na agad ni Aling Miling ang pagkarami-raming pagkain, isama mo pa ang mga kubyertos, pinggan, platito, mga baso at kung ano-ano pa. 

Nakangiting hinarap ng pari ang mga bisita at nagwika. “Alam kong naguguluhan kayong lahat kung paano naihanda ni Aling Miling at ng apo niyang si Carol ang napakaraming pagkain na ito.”

“Ang katunayan, ito’y handa talaga ngayon para sa aking kaarawan. Kanina pa talaga ng madaling-araw iniluto at inayos ang mga ito dito sa hapag at pansamantala ko munang pinauwi ang mga naghanda upang makapagpahinga. Mabuti na lamang at napauwi ko na sila bago nagsimula ang lockdown,” pagpapatuloy ni Padre.

“Simulan na ang kainan,” anyaya ng Kura Paroko.

Isa-isa na ngang nagsi-upo ang mga tao sa harap ng hapag upang kumain.

“Doc maaari po bang makitabi?” tanong ng babaeng taimtim na nagdarasal kanina sa harap ng pulpito.

“Sure! Have we met before?” namumulang tanong-tugon ng manggagamot sa isang mala-anghel na kagandahan ng isang binibining nasa kanyang harapan habang tumatayo upang magbigay galang.

“Salamat po,” kasabay ng pag-upo ng bibinibi sa tabi ng doktor, “ako po ‘yong anak ni Mrs. Vitalicio, si Almira.”

“Really? Sorry but ah… yes I do remember Sonia. Please excuse me for addressing your mom in her first name, it’s just been a hobby of me to addressed my patients on their first name para maging kumportable sila sa akin. I do recall the name of her daughter Almira, the grade school teacher if I’m not mistaken,” pagtatapos ni Doc.

“Yes Doc that’s righ, nakakahiya naman yata sapagkat hindi niyo naman pala ako nakilala tapos basta na lamang akong lumapit sa tabi niyo, kung sabagay sino ba naman ang makaka-alala sa isang payak na probinsyanang tulad ko?” Tatayo na sana ang guro upang lumipat na lamang ng pwesto ngunit pinigilan siya ng doktor.

“No wait, I mean sorry if I offended you but it’s just that masyado lang akong naging abala this past few weeks kaya hindi siguro kita napansin. Ay wait, what I’m trying to say is that kung nakita siguro kita sa ospital ay tiyak na hindi ko makakalimutan ang isang dyosang tulad mo.”

“Ho?” tanging naisagot ng binibini.

Sabay na nagkatawanan ang dalawa dahil sa kanilang mga reaksyon at mga tinuran. Doon na nagsimula ang matatamis na palitan ng mga salita ng dalawang nilalang na pinagtagpo ng tadhana.

“FATHER! FATHER! FATHER!!!” malakas na tawag ng sakristan sa Kura na nagmumula sa bulwagan ng simbahan.

Agad namang nahinto sa pagkain at pag-uusap ang lahat dahil sa tawag ng sakristan ngunit mabilis naman silang pinakalma ng pari upang hindi sila maabala sa kanilang pagsasalo-salo.

“Mga kapatid, huwag po kayong mabahala, ipagpatuloy lang ninyo ang pagkain, sadyang ganyan lamang iyang si Crispin. Saglit lamang at pupuntahan KO lamang ang aking sakristan, mawalang-galang na po muna sa inyo,” at tinungo na nga ng padre ang kinaroroonan ng sakristan.

Muli namang nagbalik at nagpatuloy sa pag-uusap at pagkain ang mga naiwan sa hapag pagkalisan ng pari.

“Matagal na po ba kayong parokyano ng simbahang ito Aling Miling? tanong ng ginang na may kasamang mag-ama.

“Aba’y matagal na iha, dalaga pa lamang ako ay namamanata na ako sa simbahang ito. Ikaw, kailan ka nagsimulang magsimba dito at anon ang iyong ngalan?” tanong ng matandang babae.

“Ako nga po pala si Kath Samaniego, bago pa lamang po ako nagsisimba rito kasama ang aking mag-ama. Nagsimula po noong ipagamot namin ang aming anak na si Tom diyan sa kalapit na hospital sa Don Mariano,” pagpapakilala ni Kath sa matanda.

“Ay talaga po ate, sa Don Mariano niyo po ipinapagamot ang anak n’yo?” sabat naman ng isang dalagita, “by the way I’m Crystal and kung hindi niyo po naitatanong isa po ang aking mama sa pinakamagaling na nurse roon, ” pagpapatuloy pa n’ya.

“Ako naman si Kath, and this is my husband Diego and our son Tom. Ikaw sino ‘yang kasama mo?”

“Ay ‘wag niyo na pong pansinin itong kasama ko, display lang po yan. Hihihi!!!” tugon ni Crystal.

Hindi naman nagpatalo ang katabing binatilyo at kusang iniabot ang kamay sa kaharap na ginang.

“Ako nga po pala si Perry, ang boyfriend po ni Crystal. Pagpasensyahan niyo na po itong GF ko, sadyang maligalig lang po ‘yan sa t’wing hindi nakakainom ng gamot,” bawi naman ng lalaki sa kanyang kasintahan.

“Lol,” sabi na lang ni Crystal.

Bigla namang nag-alala ang doktor dahil hindi pa bumabalik ang pari kaya nagpaalam muna ito sa kausap na guro at sumunod sa kinaroroonan ng Kura.

Nagulat ang doktor sa kanyang inabutan. Kitang-kita niya ang lalaking naka-jacket ng itim na nakahandusay sa sahig at wakwak ang tiyan at nakalabas ang bituka habang magkasamang nakatulala sa isang tabi ang pari at ang sakristan na tila takot na takot.

Nilapitan ng doktor ang nakahandusay na lalaki upang saklolohan subalit tila wala ng pag-asa pa ang biktima. Bago pa ito nalagutan ng hininga ay may naiusal pa itong mga kataga.

“Hal…hal…aw…!!!” huling sambit nito.

Ipinikit ni Doc Peter ang mga mata ng lalaki sabay hinarap ang mga lingkod-simbahan.

“Isa po akong doctor, ano po ba ang nangyari?” Tanong ng manggagamot.

“Hindi ko rin po tiyak,” sagot naman ng sakristan.

“Bumalik po ako rito para kunin ang transistor upang ilipat sa may kusina ngunit naabutan ko na lang po si manong na nakahandusay at tangan ang itim na bag sa kanyang mga kamay.” patuloy pa ni Crispin.

“Ngayon lang nangyari ito, ngayon lang may namatay sa simbahan ko, ngayon ko lang nasaksihan ang ganitong karumal-dumal na krimen. Patawarin nawa ng Diyos ang kung sino mang halinaw na may gawa nito,” dagdag naman ni Padre Isagani.

Tsaka lamang napansin ng doktor ang bag na hawak pa rin ng manong matapos itong mabanggit ng binatang sakristan. Agad na kinuha at binuksan ng doktor ang bag ngunit napakunot na lamang ang kanyang nuo ng makita ang mga laman nito. Isa-isang inilabas ni Doc Peter ang laman ng itim na bag; una, ay ang gintong kalis na nasundan nam an ng gintong korona at isang mumunting replika ng mundo na may maliit na krus sa ibabaw, may nakita din siyang isang 9mm na baril na agad niyang itinago sa ilalim ng lectern. Hindi pa man natatapos ang doktor sa paglabas ng mga laman ng bag ng may narinig silang isang malakas na sigaw na nagmumula sa komedor na naging sanhi upang magkatinginan ang pari at doktor.

“Ikaw na muna ang bahala dito Crispin. Doc tara na.” yaya ng pari kay Doc Peter.

Wala silang naabutang tao sa komedor, bagkus nakita nila ang mga ito na nag-uumpukan sa may pintuan ng banyo.

Sabay na lumapit ang dalawa sa umpukan at agad na tinanong ng pari ang unang tao na nakita.

“Anong kaguluhan ito?” Tanong niya sa tatay na nasa dulo ng mga tao.

“Si Aling Miling po, nakitang patay no’ng bakla sa loob ng CR.” sagot naman ni Diego habang yakap ang anak na tila matamlay at nanghihina.

“Excuse me po, isa po akong doktor, makikiraan po,” paki-usap ni Doc Peter habang hinahawi ang mga taong nakiki-usyoso sa pangyayari.

Pinaraan naman ng mga tao ang doktor at inabutan niya si Almira na tinatakpan ng shower curtain ang matanda. Nang mapansin ni Almira ang doktor ay napatayo at napayakap na lamang ito sa huli. Napansin din ng doktor ang binabae na nakasalampak sa isang sulok ng banyo na nangangatog at tila takot na takot.

“Anong nangyari?” tanong niya sa guro.

“Nakita ni Khayri ang bangkay ni Aling Miling na wakwak ang sikmura no’ng pumasok siya sa banyo upang umihi kaya napahiyaw at nag-histerical siyang bigla,” tugon ng binibini.

“Saglit at kakausapin ko si Khayri,” wika ni Doc.

May inilabas na maliit na bote ang doktor mula sa kanyang bulsa, binuksan niya ito at itinapat ang bibig ng bote sa ilong ni Sharmain. Nang mapansin ng doktor na medyo bumuti na ang lagay ng binabae ay ‘tsaka lamang niya inilayo ang bote.

“Anong nangyari Khayri?”

“Wala po akong alam, nakita ko na lamang po si… Huhuhuhu!!!” at hindi na napigil ng bakla ang paghagulgol.

Napatingin na lamang ang doktor kay Almira at umiling-iling. Tumayo ito at binigyan ng panahon si Khayri upang mailabas nito ang kanyang niloloob at niyaya na ang guro na lumabas para magkaroon ng privacy si Sharnain, nang bigla niyang maalala ang tindera ng sampaguita.

“Teka! Si Carol, napansin mo ba yung apo ni Aling Miling?” tanong ni Doc sa teacher.

“Oo nga pala, nawala na sa isip ko yung bata,”

“May nakakita ba sa inyo sa batang nagtitinda ng sampaguita?” Malakas na tanong ng doktor sa mga kasama.

Bigla namang naglingunan ang mga ito na tila hinahanap ang bata at ng hindi nila ito makita at naragdagan na naman ang kanilang alalahanin at nagkaroon na naman ng komusyon.

“Sandali lang mga kapanalig, huwag po kayong mataranta, wala pong maitutulong sa’tin ang pagpa-panic sa ngayon,” sabi ni Padre Isagani.

“Huwag mag-panic, paano kami hindi magpa-panic Father eh may bangkay sa CR niyo na wakwak ang tiyan,” galit na wika naman ni Diego.

“Oo nga po Father, ano po ang nangyayari? Bakit namatay si Aling Miling, nakakalungkot, kakakakilala ko pa lamang sa kanya at kanina lamang ay nag-uusap pa kami, tapos ngayon ay nawawala pa si Carol.” sulsol pa ng asawa ni Diego.

“Sandali lang, bukod kay Carol ay hindi ko rin nakikita yung lalaking nakaitim na jacket, hindi kaya siya ang may gawa niyan kay Aling Miling?” dagdag naman ni Perry.

Bago pa makasagot ang pari ay bigla namang dumating si Crispin na agad ibinalita na nailigpit na niya ang kalat.

“Father ayos na po, nailigpit ko na po ang bangkay ni manong,” walang pakundangang pagbabalita ng sakristan sa Kura.

Napatapik na lamang ng nuo ang pari sa maling timing na pagbabalita ng sakristan. Dahil dito ay mas nadagdagan pa ang pangamba ng lahat kung kaya’t hindi na tuluyang naapula ang pagkakagulo sa loob ng gusali.

“Ang ibig niyong sabihin dalawang bangkay na ang meron ngayon at may nawawala pang bata?” galit na tanong ni Diego.

“Mabuti pa siguro ay maghiwa-hiwalay tayo para mahanap si Carol,” suhestion ng doktor.

“Tama po, kami na po ng gf ko ang magsasama sa taas,” sang-ayon ni Perry.

“Kami naman ng pamilya ko sa may likod,” dagdag ni Diego.

“Kami na ng aking sakristan sa basement, ” sagot ni Padre.

“Kung ganoon ay kami naman ni Almira ang maghahalughog sa kabuohan ng simbahan. Mag-iingat kayong lahat, hindi natin alam kung ano ang nangyayari,” paliwanag ng doktor.

Nagkanya-kanya na ang mga magkakatambal sa pagpunta sa kani-kanilang mga pwesto.

“Bakit tayo humiwalay sa kanila bee, ‘tsaka bakit dito sa taas? Hindi ka ba natatakot sa aswang?” Tanong ni Crystal sa kasintahan.

“Hindi totoo ang aswang, may killer tayong kasama dito sa loob ng simbahan at wala akong tiwala sa kanilang lahat,” paliwanag ni Perry.

“Sus, hindi naniniwala sa aswang? Kaya pala ang hilig mong magbasa ng mga horror stories sa mga pages sa fb lalo na sa page ng ApolPen Horror Stories at Paris Crow’s Library of Horrors.”

“Iba naman ‘yon Hon, atsaka magaganda kasi yung mga stories dun lalo na ‘yong Ama Lakay ni ApolPen at Book of Secrets ni Kristian Ong, grabe ang sarap subaybayan noong story eh!”

“Eh bakit dito nga tayo sa taas maghahanap kay Carol?”

“Sino naman nagsabi sa’yo na ‘yong bata ang hahanapin dito?”

“Eh sino pala hahanapin natin, ‘yong aswang?”

“Hindi sino. Ano! Kaya nandito tayo sa taas kasi alam natin na walang daanan palabas ng simbahan sa baba dahil ikinandado ng mga sundalo lahat ng pintuan, pero hindi nila ikinandado ang mga bintana dito sa ‘taas at iyon ang hahanapin natin,” mahabang paliwanag ng binatilyo.

Kaya naman nilibot ng dalawang magkasintahan ang bawat sulok ng itaas ng simbahan at tiningnan ang mga bintana, ngunit nakapagtataka na lahat halos ng bintana ay nakakandado. Hindi pa rin tumigil ang dalawa hanggang sa makita nila ang isang silid na tila isang lumang aklatan. Pinasok nila ito at doon ay nakakita sila ng isang bintana na bukas.

Dahan-dahan silang dumaan palabas ng bintana at marahan ding nakababa, tuwang-tuwa ang magkasintahan ng makalabas na sila, ngunit bago pa sila makalayo ng simbahan ay natumba si Crystal at ng tutulungan na ni Perry ang girlfriend ay bigla itong nahilo.

Sa loob ng simbahan ay kitang-kita naman ng doktor at guro ang nangyari sa dalawa ngunit wala silang magawa dahil nakakandado ang mga pinto sa labas. Naghanap si Doc at Almira ng maaaring daanan palabas hanggang sa makapasok sila sa silid ng pari. Nagulat ang dalawa sa laki ng kwarto ng pari ngunit tila wala naman itong ganong laman. May napansin ang doktor na siwang sa likod ng isang malaking tukador kaya nilapitan niya ito upang usisain. Nang subukan niyang igalaw ang tukador ay kamangha-manghaang gaan nito, subalit mas lalong namangha ang doktor ng tuluyan na niyang mabuksan ang nagsisilbing pintuan ng sikretong silid. Hinanap niya ang switch ng ilaw at ng magliwanag ay tumambad ang isang control room sa kanyang harapan.

“Almira, come over here, I think you need to see this,” tawag ng doktor sa kanyang kasama.

“Ano to Doc? Anong ibig sabihin nito?”

“Hindi ko rin alam. Nakapagtatakang may isang control room ang isang simbahan at nasa isang tagong silid pa ito.”

“Pero bakit hindi nakapinid ang pinto?” tanong ng guro.

“Marahil ay nataranta si Padre Isagani kaya’t hindi na niya naisara ng maigi ang pinto sa pagmamadali. Tingnan mo ang mga monitor Almira.” sabi ni Doc.

Sumunod naman ang guro at sabay silang nagulat sa mga nasakaihan. Ang buong paligig ng simbahan, loob at labas ay napapalibutan ng mga tagong CCTV.

“Doc anong nangyayari sa magkasintahan?” Sabay turo ng guro sa isang monitor na makikita ang dalawang mag-sing-irog na nakahandusay sa loob ng bakuran.

Nilingon naman ng doktor ang monitor kung nasaan makikita ang dalawa at maging siya ay hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Kitang-kita niya ang mabilisang pagka-agnas ng mga katawan ng dalawang kabataan.

“Ngayon ay kumpirmado na ang kutob ko. Hindi isang drill ang nangyari kanina kundi isang legit operation ng armed forces at ang dahilan nila sa pagkukulong sa’tin sa gusaling ito ay para iligtas tayo sa isang malaking kapahamakan sa labas.” 

“Pero anong dahilan?” kulit ng guro.

“I think the air is exposed on some chemicals, maybe biological weapons or something.”

“Pero kawawa naman sila, nahimatay lang sila di ba?”

“No Almira, kung natunaw ng kung ano ma’ng kemikal ang katawan nila, just imagine kung anong magagawa nito once na nalanghap mo; meaning, noong bumagsak pa lang sila kanina ay mga patay na.”

“Nakakakilabot naman Doc, natatakot tuloy ako. Wait Doc, look! Ang pamilya Samaniego, and I think their trying to eacape from the backdoor. Matutulad sila sa magkasintahan.”

“Right! We need to stop them bago sila makalabas at makapasok dito ang masamang hangin.”

***

Samantala sa likod ng simbahan.

“Bhe, bilisan mo kailangan nating makatakas sa lugar na ‘to bago tayo mapatay ng kung ano mang halimaw na gumagala dito,” pagpapamadali ni Diego sa asawa.

“Eto na nga eh! Malapit na,” sagot ni Kath.

At maya-maya nga ay nakalabas na si Kath sa isang mataas at katamtamang laki na bintana sa likod ng simbahan.

“Ano Bhe, abutin mo naman si Tom. Bhe?”

Ngunit imbis na samagot ay malakas na pag-ubo na may kasamang pag-hingal ang narinig ni Diego mula sa kabiyak.

“Bhe? Okay ka lang ba? Bhe? Anong nangyayari sa’yo?” pero wala ng narinig si Diego na ingay mula sa kabila ng pader.

“Nak dito ka lang ha, titingnan ko lamang si Mama sa kabila.” bilin niya sa anak.

Tango lamang ang isinagot ni Tom at agad ng pinilit ni Diego na maakyat ang bintana. Nang mailabas na ni Diego ang kanyang ulo sa bintana ay nagulat siya ng makitang nakahiga sa sahig ang asawa at walang malay, ngunit bago pa man siya makagawa ng aksyon ay bigla siyang nakaramdam ng hilo kaya napahawak siya sa takip ng bintana ngunit sadyang hindi nito nakayanan at nahulog siya pabalik sa loob ng nakahawak sa pinto ng bintana kaya bago siya malaglag ay muli niya itong naisara.

Sakto namang humahangos sila Doc Peter at Almira. Nilapitan at kinarga ni Almira si Tom habang papalapit si Doc sa ama ng bata. Agad na pinulsuhan ng doktor ang ama ng bata ngunit patay na ito. Nang makatiyak ang dokror na lapat ang pagkakasara ng bintana ay bumalik na sila sa control room ni Almira kasama ang batang si Tom.

***

Samantala sa loob ng CR ay naroon pa rin si Khayri na nakasalampak at patuloy na umiiyak habang nakahalukipkip ang mga binti at nakayuko. Wala pa rin siya sa tamang wisyo at ni hindi alintana na mag-isa lamang siya sa CR. Bigla siyang nakaramdam ng ibang presensiya, pakiramdam niya ay may dalawang mata na nakatingin sa kanya. Bahagya niyang inangat ang mukha at may nakita siyang isang pares ng maliit na paa na tila sa isang bata ngunit ang mga ito ay nababalutan ng makapal ngunit pinong abuhing mga balahibo na tulad ng sa mga paa ng isang tarantula. Biglang kinabahan si Khayri kaya iniyuko pa lalo nito ang kanyang ulo upang magtago ng biglang mamatay ang ilaw ng CR at maya-maya ay may tila isang maliit ngunit kalansay na mga kamay ang dahan-dahang gumagapang sa kanyang batok.

Nanginginig sa takot si Khayri lalo na ng umabot ang matutulis na kuko ng kalansay na kamay sa kanyang kanang mata. Nilalaro nito ang kanyang mga talukap na parang nais dukutin ang retina nito. Ramdam din ni Khayri ang malapot na likidong tumutulo sa mga kamay ng nilalang na lalong naghatid sa kanya ng labis na kilabot. Bagamat kinakabahan ay naglakas na ng loob si Khayri na alisin ang kalanasay na kamay sa kanyang mata na ikinagalit ng nilalang, dahilan upang isalya nito si Khayri sa isang sulok na bahagi ng banyo.

Gulat at pagkatakot ang agad na bumalot sa katauhan ng bakla. Dali-dali niyang inilabas ang kanyang cellphone upang makapagbigay ng liwanag sa paligid, itinodo niya ang brightness ng kanyang cellphone at inilibot ito sa buong banyo sa paghahanap sa bagay na ubod ng lakas, ngunit bigla na lamang may humampas na matalim na mga kuko sa kamay niya na agad na ikinaputol nito.

Sumirit ang malapot na dugo mula sa putol na braso ni Khayri at bumagsak ang kanyang kamay na hawak pa rin ang cellphone ng nakatihaya, kung kaya’t kahit papaano ay naaaninag na niya ang buong paligid. Nais sumigaw ni Khayri subalit walang boses na lumalabas sa kanyang lalamunan, nang muli niyang itaas ang mukha ay kitang-kita niya ang halimaw na nakatayo sa kanyang harapan.

Nanghilakbot ang buo niyang kalamnan ng makita ang isang tila batang babae na nababalot ng pinong abuhing balahibong tulad ng sa gagamba. Ang butong mga kamay nito na may limang pulgadang nagtatalimang mga kuko ay may tumutulong dugo sa bawat dulo. Nakangisi ito at nakalitaw ang dalawang mahabang mga pangil na pinarisang pa ng matutulis ng mga ngipin. May mahabang itim na buhok at dalawang nanlilisik na mga kulay dilaw na mata ang bata at kapansin-pansin ang mga mahahaba at patulis na tainga nito na tila sa isang kuneho.

Bigla na lamang itong lumundag at nilaslas ang kanyang tiyan, kinuha nito ang kanyang atay at agad na kinain. Habang abala ang batang halimaw ay pinilit naman ni Khayri na gumapang patungo sa may pintuan ng banyo kahit nag-aagaw buhay na ito, nang marating ng kalahati ng kanyang katawan ang labas ng banyo ay saka lamang sjya nakapagpakawala ng isang napakalakas na palahaw.

HALIMAAAWWW!!!

***

Sa loob ng control room. Kitang-kita nila Doc Peter at Almira ang gumagapang na katawan ni Khayri, lalabas na sana si Doc upang saklolohan ang bakla ng biglang dumating si Padre Isagani.

“Mukang nadiskubre na ninyo ang aking lihim na silid?” wika ng nabiglang pari.

“Anong ibig sabihin nito Padre, at nasaan si Crispin?” tanong ng doktor.”

“Huwag mo ng alalahanin ang aking sakristan, kasama na niya si Carol sa basement.”

“Nakita n’yo po si Carol Father?” tanong naman ni Almira.

“Hindi ko siya nakita, ako ang naglagay sa kanya doon habang kinakain ninyo ang handa kong piging para sa aking anak.”

“Anak?” ani Doc.

“Bakit hindi kayo lumingon sa likod niyo?” utos ng pari.

At nilingon nga ng dalawa ang mga monitor sa kanilang likuran at kitang-kita nila ang paglabas ng batang halimaw mula sa banyo kung saan nakahandusay na sa may pinto ang bangkay ni Khayri. Hindi na nagdalawang isip ang doktor at agad niyang sinapak ang pari na nakatayo sa pinto ng control room. Bago pa ito makapagsalita ay tinadyakan niya ang sikmura nito at inutusan si Almira na kargahin si Tom, ngunit ng malapit na ang guro sa bata ay bigla na lamang itong nagsuka. Si Doc Peter na lamang ang bunuhat sa matamlay na bata sabay hila sa kamay ng guro palabas ng kwarto at patungo sa bulwagan ng simbahan.

“Kailangan nating makatakas bago tayo mapatay ng halimaw,” sabi ng doktor kay Almira habang tumatakbo papunta sa pintuan ng simbahan.

Nang marating ng doktor ang tarangkahan ay pilit niya itong binubuksan ngunit bigla siyang pinigil ng guro.

“Doc, paano ang masamang hanging sa labas na may kemikal na nakamamatay?” wika ng guro.

Biglang natigilan si Doc, nawala na sa isip niya ang mas mapanganib na hangin kesa sa halimaw ng simbahan. Bigla siyang nanghina kaya ibinaba niya si Tom, saktong dumarating naman ang pari at sa likod nito ay ang batang babaeng halimaw.

“Saan kayo pupunta Doc? Ayaw n’yo bang makilala ang aking anak na si Madison? Ang bunga ng isang palpak na ekspirimento ng mga militar,” unti-unting lumalapit ang halimaw sa mga tao, “sa kanya talaga ang napakaraming pagkain kanina subalit mas gusto niyang makatikim ng tao kung kaya’t kayo na lamang ang pinakain ko ng handa upang nang sagayon ay busog kayong kakainin ng aking anak,” pagtatapos ng pari.

Bagamat pinanghihinaan na ng loob ang doktor ay hindi siya dapat mawalan ng pag-asa, lalo’t natagpuan na niya ang babaeng kanyang ihaharap sa dambana. Hindi ngayon, hindi kailanman. Gumawa ng daybersiyon ang doktor upang malansi ang batang halimaw.

“Almira, huwag mong pababayaan si Tom, kahit na anong mangyari ay lagi mong tatandaan na MAHAL KITA,” sabi ng doktor sabay takbo patungo sa kinatatayuan ng pari.

Muli ay sinapak ni Doc Peter ang pari na ikinatumba nito kaya nabaling ang atensiyon ng halimaw sa doktor. Nang makatiyak ang doktor na siya na ang target ng bata ay agad itong tumakbo papuntang pulpito. Biglang yumuko ang doktor ng marating ang lectern at mula roon ay kinuha ang baril ng magnanakaw na itinago niya rito kanina. Pagtayo ng doktor ay agad na pinaulanan ng bala ang bata subalit tila hindi ito tinatablan kaya naman bago pa makalapit sa kanya ang bata ay binaril na niya sa hita ang pari.

Huminto ang halimaw ng makitang tinaman ang kanyang ama kaya nabaling dito ang kanyang atensyon. Nilapitan ng bata ang kanyang ama upang tulungan ito kaya naman ginamit ng doktor ang pagkakataon para balikan sila Almira sa may tarangkahan.

Galit na galit ang halimaw kaya matapos matiyak na ligtas na ang ama ay tumayo ito at lumundag papunta sa direksyon nila Doc Peter ngunit ng makita n’yang nakaumang sa kanya ang baril ng doktor ay napahinto ito. Biglang nagpakawala ng sunod-sunod na dura ang halimaw at ng matamaan nito ang dulo ng baril ng doktor ay bigla itong natunaw, doon lamang napagtanto ng doktor na asido ang laway ng bata. Ang matindi nito ay gumagapang ang asido sa baril ng doktor dahilan upang ito’y itapon niya.

Nang matiyak ng halimaw na ligtas na siya sa mga bala ay muli itong lumundag, napapikit na lamang ang doktor dahil tiyak niya na sa kanya babagsak ang matatalas na kuko nito.

Makalipas ang ilang sandali na wala siyang naramdaman ay idinilat na niya ang kanyang mga mata at ganoon na lamang ang gulat niya, humarang pala si Almira sa huling sandali upang mailigtas niya ang buhay ng doktor. 

Laslas ang tiyan at naghihingalo ang guro habang nasa isang tabi ang halimaw na kumakain ng atay.

Habang nag-aagaw buhay ang guro ay nilapitan siya ng doktor na nangingilid ang luha.

“Bakit Almira? Bakit mo ito ginawa?” 

“Doc ikaw lang ang pag-asa ng aking ina,” naghihingalo wika ng guro, “alam ‘kong kaya mo siyang gamutin kaya ipangako mo sa’kin na gagawin mo ang lahat upang mabuhay siya.”

“Oo Almira, pangako, gagamutin ko ang karamdaman ni Aling Sonya,” at hindi na napigil ng doktor ang pagpatak ng kanyang mga luha.

“Huwag mo din sanang pababayan si Tom, wala na parehas ang kanyang mga magulaaang…” at nalagutan na ng hininga ang guro.

Habang kumakain ng atay ang halimaw ay bigla namang nangisay ang batang si Tom kaya nilapitan siya ng doktor. Kahit nanlalabo ang paningin ng doktor dahil sa mga luha ay nakuha pa rin niyang hawakan ang leeg ng bata.

“Tom, ng makita kita kanina na nagsusuka ay alam ko ng may Reye’s Syndrome ka, at dahil wala na ang gamot mo ay alam ‘kong hindi na magtatagal ang iyong buhay, ngunit nangako ako sa babaeng mahal ko bago siya mamatay na hindi kita pababayaan. Oo Tom, hindi kita pababayaan, hindi ko hahayaang masaktan ka pa ng halimaw. Paalam Tom,” at unti-unting humigpit ang pagkakasakal ng doktor sa batang patuloy pa ring nangingisay. Tumigil na lamang siya ng matiyak na napatay na niya ang bata.

“Hangal ka na doktor, hindi mo dapat tinuluyan ang bata. Busog na ang anak ko at pansamantala ay hindi na niya muna kayo papatayin kaya sayang lang ang ginawa mong pagsasakripisyo. Hahahahaha!!! tawa ng pari.

“Kung hanggal ako ay isa ka namang baliw,” mahina ngunit may diin na sabi ng doktor, “mas halimaw ka pa sa iyong anak kaya dapat ka ring mamatay,” at dahan-dahang tumayo at lumapit ang doktor sa pari na tila wala na sa sarili.

Bago pa nakalapit ang doktor sa paring nakasalampak sa sahig ay bigla namang bumukas ang pintuan ng simbahan at pumasok ang mga sundalong naka full battle gear at may dalang matataas na kalibre ng armas. Limang sundalo ang naghagis ng isang malaking net sa halimaw na bata at hinila ito palabas ng sinbahan papunta sa isang armored van. 

“Saan ninyo dadalhin ang anak ko,” sigaw ng pari.

Tatlong sundalo naman ang bumuhat sa paring may tama ng bala ng baril aa may binti at nagdala sa kanya sa isang sasakyan.

Agad nakilala ng doktor ang chief na nagdala sa kanya sa simbahan kaninang umaga, nilapitan siya nito ngunit inunahan na niya ang hepe sa pagtanong.

“Chief, wala na po ba ang lason? tanong ng doktor sa hepeng nakalapit na sa kanya.

“Anong lason Doc?” sagot-tanong ng hepe.

“Iyong lason sa hangin na nakamamatay, yung lason na tila nilagyan ng bio chemical components. Anong bansa po ba ang may gawa nito sa’tin?”

“Hindi ko po alam ang sinasabi n’yo Doc, gaya ng sabi ko kaninang umaga may roon lamang emergency drill na ginagawa,” paliwanag ng hepe.

“Emergency Drill eh apat sa kasama namin ang namatay at nalusaw ng lumabas kanina,” pag-amin ni Doc Peter.

Nagulat naman ang hepe sa sinabi ng doktor at napailing na lamang.

“Patawad Doc subalit ito ay isang top secret mission at walang sinuman ang maaaring maka-alam.” malungkot na wika ng hepe.

Bago pa maliwanagan ang doktor sa tinuran ng kaharap ay inilabas na nito ang kanyang cuarenta y cinco at itinutok at ipinutok sa sintido ng doctor.

#


Written
01 November 2017

Updated
01 November 2019

Cover Photo by Patrick Pierre. Words by Khayri Rednaxela Retsaoroz Woulfe in collaboration with Kath Ochoa.

Copyright © 2017 Khayri Rednaxela Retsaoroz woulfe. All rights reserved.

Advertisement